Wednesday, June 1, 2011

R.P.: Maskara by Acid 05272005

Photo by: Lara Jade

                                      
                    Matagal na rin akong ganto, mga ilang taon na, naka-maskara, pilit nagpapanggap dahil sa mundong alam kong hindi ako maintindihan. Lagi akong masaya, nakangiti na lang sa kung sinong anino ang dumaan… iyon ay kung may nakakakita nga sa akin. Magaling nga siguro akong umarte. Isipin mo, sa tagal ng pagpapanggap ko, walang ni isa man lang ang naghihinalang marahil sa mga sandaling ako’y nag-iisa, umiiyak din ako. Bilib nga sila sa akin, paano, iniwan na daw ako at pinaglaruan, nakatawa pa rin. minsan, may nagtanong nga kung paano daw makalimot. Tinawanan ko lang, parang napaka-obvious ng sagot, pero sa totoo lang, tinawanan ko dahil ako mismo di ko alam ang sagot. May ilan ng humanga sakin, buti pa daw ako, nakapag-move on na. Kung nakikita lang sana nila ako sa mga minsang sandaling ako lang mag-isa. Nakakainis isipin ano? Kaya nga iniiwasan ko na lang isipin. Unti-unti, iniipon ko na lang ang lahat ng mga paboritong pintas nila sa pagiging tanga ko dahil iniisip pa rin kita. Nakakatawa nga, dun lang ako lumalaban, kapag ikaw na ang iniinsulto nila. Sa lahat, yun ang hindi ko nakakayanang tiisin. Laitin na nila ako’t pagtawanan, huwag lang ikaw ang mabastos (ganyan kalaki ang halaga mo sa akin, kahit na binasura mo na ako’t pinagtabuyan). Kaya nga tuwing gabi na lamang, kung kelan munting hinga na lang ang naririnig ko, kung kelan wala nang makakarinig sa akin, kung kelan wala nang makakapansin sa akin, doon ko hinuhubad ang maskara ko at umiiyak. Hindi ko nga ba alam. Basta sa mga sandaling iyon, doon lamang ako sumasaya ng lubusan. Yakap ang una mo pang bigay sa akin, pilit kong binabalikan ang mga panahong magkasama pa tayo. Iyong mga araw na nagkatabi tayong wala ng sinasabi, basta nakaupo na lang (di ba’t masaya na tayo nun?). Sa ganun lang, ramdam ko nang mahal mo ako. Sa bawat patak ng luha, bumabalik ang mga simpleng tawanan, baduy na lambingan, at lahat ng mga kakornihang bagay na ginagawa natin dati. Sa bawat hikbi, pilit kong inaalala ang mga salitang sinabi mo sa akin. Sabi mo pa nga, hindi ka titigil sa pagmamahal. Alam mo, hanggang ngayon, sa bawat hikbi at patak ng luha ko, naniniwala pa rin ako dun. At sa dahan-dahang pag-alis ng malay ko, dahan-dahan ko ding binubulong ang mga salitang gusto ko sanang iparinig sayo. Matagal na akong ganito, gusto ko nang makawala, nakakamanhid na eh. Pero paano nga ba kita malilimutan kung kahit saan man ako matingin, nakikita pa rin kita. Wala na akong nakausap na kaibigan natin dati na hindi ako tinatanong kung kumusta ka na. Kung messages mo pa rin ba ang nasa inbox ko? Minsan naisip ko kung nasaktan ka rin ba sa mga nangyari, kung umiiyak ka rin tulad ng pag-iyak ko, kung kahit paminsan-minsan man lang nadadalaw ko din ang isipan mo. Matagal na akong ganito, umiiyak sa likod ng aking maskara, panay ang hiling na sana’y mahal mo pa rin ako, pilit na kumakapit sa mga alaalang iniwan mo. Pero gusto ko na ring makawala, naawa na rin ako sa sarili ko kung minsan. Nakakamanhid na. Ilang beses ko na nga ba pinangako sa sarili kong kakalimutan ka. Pero marahil, sa mga sandaling nag-iisa na lamang ako, kailangan ko lang talagang hubarin ang aking maskara, lumuha at sumulat ng mga linyang tulad nito…

No comments: